Tuesday, October 18, 2005

Finding Fortune

in a cookie?
Hmn.. interesting. Napabili tuloy ako, sa halagang limang piso pwede mong makita mo ang swerte mo sa loob ng tinapay kesa nga naman pumunta ka pa ng quiapo o hagilapin si madam auring para magpahula, sa ministop mabibili na ang swerti. Excited akong makita kung ano ang laman ng fortune cookie na ito, makakahanap ba ako ng mas magandang trabaho? magkakaroon ba ako ng negosyo? mananalo ba ako sa lotto? kikita ba ako ng malaki sa google? may traydor ba akong kaibigan? natural, hindi yan mahuhulaan ng panadero ng gold coin cookie. Ano kaya kung sa pagbukas ko ng cookie na ito ang mababasa ko ay "You are so lucky today because you are eating the best-tasting cookie in the whole wide world!", ayus dinaig ang chips ahoy sa caption. Bago ko kagatin ang cookie para masilayan ko na ang swerte ko ngayong araw na ito, naisip kong piktyuran muna para
mailagay dito sa blog, at ayan nga. Masarap yung cookie, barquillos pala ito na nilapirot at hindi pahaba, ayan! hawak ko na ang aking swerti.

Do not fret. The future brings endless possibilities.


Oo nga, posibleng after nito ayoko na bumili ng fortune cookies.

Tuesday, October 11, 2005

Dakilang Pirata

Maraming mga naglalabasang bago at magagandang release sa OPM ngayon, kung matatandaan niyo ilang taon ding namayani ang banyagang kanta sa mga airwaves dito sa pinas. Kahit nga si william hung ay minsan ding naging bulung-bulungan kahit pa siya ay reject lamang ng reality show na American Idol, idagdag mo pa si beyonce na naging independent woman matapos sumikat sa grupong destiny's child, si justin timberlake ng boyband na nsync ba yun?, si ricky martin ng menudo (hehe), si michael jackson ng jackson 5, at marami pang iba na sumikat ng sila'y tumiwalag sa kanilang grupo at meron din namang nilangaw ang mga album. May local version din tayo ng ganyang isyu, mga hiwalayang pinoy pero iitsapwera muna natin ang mga hiwalayang showbiz, magfocus tayo ngayon sa Orihinal na Musikang Pinoy. Andyan si Bamboo na dati ay nasa bandang Rivermaya at ngayon ay may sarili ng banda, si Ely Buendia ng Eraserheads na naging ka-Monggols at ngayon naman ay ka-Pupil na, si Barbie Almabis na nag-solo mula sa bandang Hungry Young Poets at Barbie's Cradle, si Kitchie Nadal na mula sa bandang mojofly, si Aiza Seguerra mula sa Eat Bulaga na naging tomboy. Gaya din yan ng paborito nating channel sa local TV, may kapuso na nagiging kapamilya at viceversa o kaya naman ay ka-oposisyon na nagiging ka-administrasyon na nagiging ka-greenwich. tininininini-nini.... bilog ang mundo! (commercial ng ginebra san miguel)

Hindi lang naman pinoy ang mahilig gumawa ng remake o kaya naman version nila ng mga sikat na kanta, kilala ito sa tawag na revival hits. si Madonna ba ang unang kumanta ng "American Pie"? si Buble ba ang unang kumanta ng "Quando, quando, quando"? si Josh Groban lang ba ang kumanta ng "Broken vow"? Nagtataka lang ako kung bakit kapag pinoy ang nagsimulang mag-revive parang gloria-gate scandal ang dating, uy! ayos pinoy version din yan.

Kung may switching, meron ding stealing (sabi nila yan, hindi ako kasi baka mapahamak na naman ako e). Gawin nating basehan ang kanta ng mga maituturing nating nag-angat ng OPM music lalo na sa kategoryang banda. Mula sa impluwensiya ng mga orihinal na bandang Juan dela Cruz band, Hotdog, Sampaguita, Asin, Mike Hanopol at marami pang ibang orihinal na pinoy rockstars nabuo ang mga 90's band na Eraserheads, Rivermaya, Agaw-Agimat, Introvoys, Yano, Wolfgang, Siakol, Datu's Tribe, Grin Department, The Youth, True Faith, South Border, Parokya ni Edgar etc. ang ilan sa kanila ay disbanded na o kaya nagtayo ng kanya-kanyang grupo. Ngayon tatanungin kita, kilala mo ba lahat ng nabanggit ko? kung kilala mo sila magbanggit ka nga ng kahit tig-dadalawang orihinal nilang kanta? magaling ka kung hindi mo ginamit ang google o yahoo search. Ano nga ba ang basehan ng pagnanakaw? ito yung pagkuha ng hindi sa iyo, paano kung hiniram mo lang? pagnanakaw din ba iyon? Kung halimbawang ang paborito mong pambansang awit ay nilagyan ni Gloc 9 ng linyang "Pilipinas, Yo!" kasunod ng Bayang Magiliw, bagong komposisyon ba ito at hindi masasabing "hoy! ninakaw mo lang yan! kay.... sino nga ang nagcompose ng bayang magiliw?!" syunga! Perlas ng Silanganan ang title niyan. huh?

Nung ni-revive ba ni Sharon Cuneta ang mga kanta ni Rey Valera nagreklamo ba ang sambayanang Pilipino? Nang ginawan ba ng tagalog version ang kantang Superwoman (?), pinagtalunan ba ninyo ang pagkalat ng kantang "Hindi ako si Darna"? Nang isinalin ba sa iba't ibang wika ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar may nagprotesta ba na pinoy? hindi ba ikinatuwa din natin ito? Nang gawing rap at isinama sa kantang "The APL song" ng Black Eyed Peas ang original na kantang "Balita" ng Asin di ba naki-listen up, y'all! din tayo?


Naging utak-poreyner din ako pagdating sa mga hilig na musika, hindi ko na iisa-isahin pa dahil sobrang dami akong gustong foreign artist huwag mo lang isama ang mga tanyag na boybands, si britney spears at si william hung. Pero isa ako sa mga nagulat nang magdagsaan ang mga bagong bandang parang kabuteng nagsulputan, andyan ang Hale, Cueshe, Session Road, Sugarfree, Mayonaise, Orange n Lemons etc. ulet. Malaki ang naitulong nila para maiangat ang OPM, pero maraming haka-haka at bulung-bulungan na hindi naman ito dapat tawaging ORIGINAL dahil hango lamang ang mga kanta nila sa mga kantang-kano.


Pagkumparahin ang mga kanta at tono ng mga Pinoy at Foreign Hits na ito:
1."Stay" ng Cueshe at "Greatest View" ng Silverchair
2."Leaving You" ng Session Road at "Garzambodia" ng Superdrag
3. "Pinoy Ako" ng Orange and Lemons at "The Care" ng Chandeliers

Kayo na ang bahalang humusga kung dakila nga bang pirata ang pinoy.

Hanggang ngayon naglalaro pa rin sa isip ko ang mga tanong na ito:
Kung dakila ang pinoy sa pamimirata dapat ba siyang pagkalooban ng award?
Pilipino ba ang namamahala sa china, dahil sa pagkakaalam ko doon nanggagaling ang mga nagkalat na dvd, vcd at cd na peke?
Sa hongkong, pinoy din kaya ang nakaimbento ng pekeng gucci at louis vuitton?
Pinoy ba si captain hook?

Ibang-iba ang Pinoy...
Wag kang matatakot...
Ipagmalaki mo...
Pinoy ako!
Pinoy tayo!

Fan-bihira

Naranasan mo na bang makipagpatintero sa mga katulad mo ding adik sa celebrity? Yung tipong kaya mong makipagbakbakan kapag nasingitan ka sa pila ng nagpapa-autograph sa Idol mo? Yung tipong kapag siniraan ang peborit mo ay pakikitaan mo ng pruweba na mali ang iniisip nila at daig mo pa ang stage mother at manager sa pagtatanggol sa idol mo?

Humahanga din ako, local man o foreigner, singer man o artista, bida o kontrabida, director o stuntman basta magaling. Minsan nakakainis din maging tagahanga, o tangahanga. sa libo-libo nilang tagahanga sa palagay mo natatandaan ka pa niya? malamang hindi na, lalo pa kung isa ka lang ordinaryong magtitinapa o kaya ay dispatcher ng jeep, kung sa harap ng camera malamang hahalikan ka pa, may camera eh. Ikaw sino ba ang idolo mo? sikat ba siya? naalala ko tuloy nang minsang napadaan ako sa tiangge sa greenhills, nakasalubong ako ng celeb.. tawagin natin siyang si pearly (karakter niya sa teleserye), in fairness parang siya lang ang tao sa daan, walang lingon sa kanan o kaliwa, parang kabayo diretso ang tingin, oo nga naman celebrity siya eh dun malalaman kung sikat ka kasi kung hindi ka nabangga ibig sabihin nakilala ka at sila mismo ang humawi sa dadaanan mo. Paano pa kaya ang ilang sikat na artista? kulang na lang pagsamba at gawin silang diyos mo.

Hindi mo rin naman masisisi ang mga sikat na taong ito, hindi naman nila kasalanan ang maging talentado. Ang naging kasalanan lang nila lumalaki ang ulo nila, o wag ka na mag-react, alam ko hindi naman lahat. Sino nga ba ang ugat ng paglaki ng ulo ni betty boop? wala lang gusto ko lang itanong.

Siguro mga tangahanga din ang naglalagay ng ipot sa ulo ng mga batikan nating artista at singers. Sila ang nagsisiksik ng ideya na sikat na ang idolo nila at kasabay noon ang pagtatayo ng fans club, sino nga ba ang nagsimulang magtayo ng fans club dito sa Pilipinas? Mga Noranians o Vilmanians? dati ang naglalaban-laban ang mga tagahanga sa magkaibang panig katulad nga ng vilmanians vs noranians pero ngayon bumabaliktad na co-fan vs co-fan na, pasikatan na sa kapwa tangahanga, kung ikaw ang beteranong tagahanga at nakakabeso-beso mo ang iyong idolo, at 24/7 kayong pwedeng magchikahan sa text, ang kasikatan mo sa mga ordinaryong miyembro parang singtaas ng pagtingin nila sa pareho ninyong hinahangaan ang kaibahan lang hindi ka sikat sa telebisyon o sa radyo, pero at least sikat ka sa kapwa mo tangahanga.

Ngayong dumadami na ang bilang nating mga tangahanga, bakit parang hindi ka masaya sir? Gusto mo bang ikaw lang ang humanga? ikaw lang ang pwedeng kumurot sa pisngi ng idolo natin? Gusto mo bang ikaw lang ang pinipirmahan sa noo ng idolo natin? Ikaw lang ang laman ng lahat ng lakad ng fans club?

Anak ni Baby powder... magtayo ka ng soloist fan club.
(draft-unedited, hindi ko pa na proof-read)

Monday, October 10, 2005

Libro ni hudas

Ang Paboritong Libro ni Hudas
Kakabili ko lang niyan kahapon. Hindi ko alam kung bakit ko binili, siguro nung makita ko yung title nagreflect agad sa akin. bwahahaha. oops sorry, na-carried away lang. Wala namang mabigat na dahilan kaya ko binili ang book na ito, nagkataon lang na hanga ako sobra kay Bob Ong, hindi niya na kailangan pa ng matatalinhagang salita at malalalim na ingles para bumenta ang mga sinusulat niya. Maka-masa. Basta marunong kang magbasa hindi ka mao-OP promise.

Ito ang listahan ng mga librong naisulat ni Bob:
1. ABNKKBSNPL Ako
2. Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pinoy
3. Ang Paboritong Libro ni Hudas
4. Alamat ng Gubat

A Commuter Rant

Hindi po ako ngongo, wala pong problema ang computer ko. nagrereklamo lang ako, isang commuter.

Naaalala ko yung classmate ko na laking maynila, pangarap niya ang makasakay ng eroplano dahil ang itinuturing niyang pinakamasarap sakyang pang-commute ay ang bus. Hindi ako nagba-bus ng mga panahong iyon dahil natatakot akong tumayo kapag punuan, idagdag mo na ang pagiging probinsyana ko na nagpapaniwala sa mga sabi-sabi na wala ka daw ligtas sa mga mandurukot at holdaper kapag bus ang sinasakyan mo. Nag-iFx ako pag papasok o di kaya ay jeep, kaya para sa akin kapag nandito ako sa manila, fx ang pinakamaalwang sakyan, maliban na lang kung ang aircon ng nasakyan mo ay parang turbo broiler at pagdating mo sa pupuntahan mo mukha ka nang grilled crispy pata. May mga panahon din na may putok ang katabi mo o kaya'y nagsashower ang ang laway ng bibig ng driver, kapag mga ganitong sitwasyon wala akong magawa kundi ang sumimangot kahit pa may nakadikit na bawal ang nakasimangot dito sa bintana, kasehodang magmukha akong unggoy gaya ng nasa poster, eh sa naiinis ako bakit ba?!

Bukod sa mainit at maalikabok, ayoko din ng jeep pero kapag walang ibang choice mas pipiliin ko sumakay kesa kumapal ang kalyo ko at madaig ang mga nagjojogging sa luneta sa kalalakad-takbo. Kapuna-puna ang mga sakay nito, may saksakan palagi. Saksakan ng pangit, Saksakan ng sungit, Saksakan ng gwapo't ganda, Saksakan ng taba, Saksakan ng itim, at di ka pa rin makakaligtas sa Saksakan ng amoy putok, asahan mong kapag nasa likuran ka ng taong ito pagdating mo sa pupuntahan mo ikaw na ang amoy putok. Pagsigaw mo ng bayad, biglang may tulog, may busy sa pagsilip sa bintana ng jeep, may nagbubuklat ng bag at may deadma, aba'y ang sarap paguuntugin ang kanilang mga ulo! Meron namang akala mo pantatlong tao ang pagkakaupo kulang nlng ipatong niya ang paa sa upuan. Hoy! upong pang-7.50 lang ho!

Ok din namang sakyan ang tricycle lalo na kapag palabas ka ng subdibisyon, alangan namang lakarin mo yung parang burol na structure ng kalsada sa subdivision niyo, yun nga lang tatagain ka sa presyo dahil hindi parepareho ang singil, lumampas ka lang ng isang hakbang dagdag ng piso, ano yun de-metro parang taxi? minsan may nasakyan akong tricycle, nakangiti pa akong nagsabi na "manong, pakidahan dahan mo lang sa baha kasi naka-puti ako maputik sa daan.thank you!" d^_^b at itong pilosopong drayber binagalan ang maneho, parang mas matulin pa ang pagong sa bagal niya magpatakbo hinayaan ko nga, siya naman ang lugi at least hindi naputikan ang pantalon ko.

Mabalik tayo sa bus...
Ngayon wala na akong pagpipilian pang sakyan kundi ang bus dahil wala namang jeep na namamasada sa Edsa. Ganoon din ang scenario sa bus, iba-ibang tao, iba-ibang amoy, may masungit na pasahero at kunduktor, may nagtitinda pa ng mani, tubig at kendi, may natutulog, may nagbabasa, may nagdadaldalan at naghaharutan. Hindi ko naman sila pinakikialaman, napapansin ko laang. Bukod sa kapansin-pansing mga karakter ng mga kapwa ko commuter, kapansin-pansin din ang kabuuang itsura ng bus, may sobrang lamig, may sobrang init, may parang lata ng sardinas na pilit isinisiksik ang mga pasahero at kapag nataon na nakatayo ka batok at kilikili ang nakakaharap mo, ang sagwa di ba? May mga bus din na malinis tingnan, maliwanag, walang kalat pero pagbuhos ng ulan asahan mo kahit sa loob kailangan mong magpayong. Yung iba nga kahit walang ulan may tulo e mantakin mo iyon, ang tindi ng init sa labas tapos ikaw basa ang bunbunan. Meron din akong tinatawag na smokey mountain sa loob ng bus, gabundok talaga ang kalat kung iipunin mo at nanlilimahid sa libag ang mga bintana. Minsang isinabit ko ang kurtinang libagin sa cover ng upuan, naglaglagan ang siguro mga beinte pirasong ticket na nakabalunbon, sinubukan kong silipin ito, presto! hindi lang ticket ang laman nito, may balat ng kendi, chippy, tiket, plastic, papel, at kulangot. nakakadiri, sabi pa ng sosi kong katabi "yuck! haw gros naman dat ting!". Katanggap-tanggap naman siguro ang ganitong sitwasyon kung ang singil sa pamasahe ay makatarungan, pero baliktad yata ang mother earth eh.. mas pangit na bus, mas mahal ang bayad.

Kawawa naman pala ang kaklase ko... sana nga makasakay siya ng eroplano.

Sunday, October 09, 2005

Have a break, Have a Kitkat!


Hindi lang talaga ako mahilig sa chocolates pero kung galing sa iyo gusto ko talaga.


Ilang chocolates na din ang ibinigay mo sa akin may local at imported minsan may kasama pa ngang flowers eh, naappreciate ko naman yun at inaamin ko kinikilig ako kapag ginagawa mo iyon. Salamat ha.


May ilang taon ka na din na nagbibigay ng regalo sa akin, minsan may stuffed toys, pizza, may bracelet at palaging kalakip ang tsokolate sa bawat regalong iyon.


Sinusuklian ko iyon ng isang ngiti, isang halik, isang salamat, at ang katagang sa numero ay 143.


Nawawalan na yata ng lasa ang mga tsokolateng ibinibigay mo. Iba na ang lasa ng ferrero, kisses, toblerone, cadbury, pati na ang goya, chocnut, curly tops, flat-tops, at lala na paborito ko.

Para tayong tsokolate sa tamis, sa siksik, sa lagkit... nakaka-addict.
Katulad ng tsokolate, may expiration, nauubos, natutunaw sa init, at nakakasawa.

Ilang taon nang mapakla ang pagsasama natin.

Sa pagkakataong ito, ako naman ang magbibigay ng tsokolate sa iyo.
Sana maintindihan mo...

Friday, October 07, 2005

Ikalawang Pagsasanay

Pagsasanay #2: Turn the pc on, wala ng norton, diretso internet explorer, type: www.blogger.com, sign in, create new post.

High School. Hindi ako sikat nung high school ako, hindi ako mahilig sumayaw kaya hindi ako kasali sa dance troupe, hindi maganda ang boses ko kaya hindi ako nag-choir, hindi din ako matalino kaya hindi ako nakakasali sa mga quiz bee sa ibang bayan, pang-elimination lang. Baka isipin niyo napakawalang kwenta kong tao at hindi man lang ako nabiyayaan ng kahit katiting na talento. Marunong naman akong mag-drawing, mag-kumpuni ng plantsa at electric fan, marunong din akong mang-indian ng gimik.

Mahirap makipagkumpitensiya lalo na at may "kinikilala" sa school mo. Kapag hindi matunog ang pangalan mo, dedma ka. o paranoid lang ako? Hindi nga masyadong napansin ang husay ko sa pagdodrawing e. naks! charing lang.

Hindi masyadong nakakaengganyong isalaysay pa ang buhay ko nung high school dahil boring.

High school years status: Idle

Thursday, October 06, 2005

Unang Pagsasanay

Pagsasanay #1:
Buksan ang pc, Click Start, run Norton, Restart pc... Start Blogging.

Ang pagdaan ng mga pagbabago sa aking buhay ay napakabilis, hindi ko napapapansin may higit dalawampung taon na pala akong pagala-gala, paiyak-iyak, at patawa-tawa simula nang ako'y isinilang ng aking nanay dito sa Pilipinas.

Ang mga alaala ng aking kabataan...

Naaalala ko pa ang aking sarili habang aliw-na aliw sa pagdidikit ng sticker na dilaw ni cory sa aming medicine cabinet, wala akong kaalam-alam na maari na palang magka-giyera ng mga panahong iyon. Ang pagyugyog ng aking kuya ng puno ng kalumpit habang ito'y hitik sa bunga at halos magkasugat-sugat na ang aking mga gilagid kasisipsip ng matamis na katas nito. Ang paglalaro namin ng bahay- bahayan sa ilalim ng mga malalagong halaman ng san francisco sa aming bakuran. Ang pagbabaon namin ng mga bagay katulad ng bato o singko sa ilalim ng lupa, ang makakita bibigyan ng dalawang lipps candy. Ang papapalutang ng mga bangkang papel sa planggana o di kaya naman sa dagat sa silong ng aming bahay. Ang pagsisindi ng gulong sa harap ng bahay kapag bagong taon. At sa mga bagyong dumaan na nagmistulang evacuation center ang aming bahay dahil sa aming mga kamag-anak na natatakot matangay ng dagat ang kanilang tinitirhan sa tabing aplaya.

Ang aking unang pag-graduate sa kinder na sadyang katawa-tawa dahil mali ang spelling ng nakalagay sa ribbon na inaward sa akin "best in metamethics" buti na lang tama yung spelling ng "best in parlor games", 1st honor din ako nun.

Apple cut ang usong hairstyle noon sa mga bata at teenagers. Sa mga dalaga naman ay iyong nakatayo ang bangs na nilagyan ng spraynet. Kapag ang pantalon mo ay straight-cut, itinutupi ito para mag-mukhang baston. Ganun din sa mga sleeves ng t-shirts.

Abangan ang susunod na pagsasanay...